| Archives |
KAILAN NAGSIMULA ANG PAGGAMIT NG APELYIDO?
ni Kristoffer R. Esquejo1
Mula sa pagkabata, isang misteryo sa akin kung bakit tila may pagkakahawig ang unang titik ng mga apelyido sa mga bayan-bayan. Napansin kong sa Alcantara ay pawang nagsisimula sa letrang G tulad ng Galicia, Galicha, Galisanao, Gacula at Galindez. Pagpunta ko naman sa Odiongan ay karaniwan ang mga apelyidong nagsisimula sa letrang F. Halimbawa ay Fabello, Falamig, Fadera, Fajutnao, Familara. Nang magtungo naman ako sa kabisera ay nagsisimula naman sa letrang M: Mabilog, Mabunga, Mazo, Montaa at Montojo. Nang makatapak naman ako sa Sibuyan ay tumambad naman sa akin ang mga apelyidong puro titik R ang simula tulad ng Rafols, Ramos, Rios, Robiso at Romero.
Nang mahilig ako sa pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas, aking napag-alaman na dati-rati ay wala talagang apelyido ang mga sinaunang Pilipino. Kinakabitan na lamang ang pangalan ng kanyang titulo tulad ng Lakan Dula o klase ng hanapbuhay tulad ng Panday Pira. Ayon kay Sonia Zaide sa The Philippines: A Unique Nation, ang mga pangalan ng binyagang katutubo noong una ay madalas ipangalan sa mga santo. Pati apelyido ay naidagdag nang pairalin ni Gobernador-Heneral Narciso Claveria y Zaldua noong Nobyembre 21, 1849 ang pagpapagamit ng mga apelyidong Kristyano mula sa Catalogo de Apellidos. Kung ang karamihan ay malayang nakapili ng kanilang mga apelyido tulad ng Gomez, Reyes at Santos, may iilang iginiit ang mga pangalang may bahid dugong-bughaw tulad ng Gatbonton, Gatdula at Gatmaytan dahil sa katagang gat.
Ang katanungan ko sa ginawa ni Claveria ay ito: pinapili ba talaga ang lahat o may mga probinsyang tinakdaan ng mga titik? Sa karanasan ng Aklan, Capiz at Iloilo, nauso ang pagtatakda ng mga letra sa anyong alpabetikal batay sa lapit o layo sa kabisera. Ibig sabihin, kapag taga-kabisera ay karaniwang nagsisimula sa letrang A ang mga apelyido. Halimbawa sa Roxas City ay uso ang titik A tulad ng Acua at Almabis samantalang sa kasunod na bayan ng Panay ay puro titik Bediones at Borda. Habang palayo ng palayo sa kabisera ay nagiging B, C, D, E hanggang Z. Sa kaso ng Romblon, hindi pa gaanong malinaw sa akin kung bakit mga letrang F, G, M at R ang naitakda.
Ang teorya ko ukol rito ay ganito. Dahil may tatlong wika ang lalawigan, lumilitaw na naklasipika ang mga apelyido ng mga mamamayang Romblomanon depende sa wika. Ano ang ebidensya ko rito? Saan ba laganap ang wikang Asi? Hindi ba sa limang bayan ng Banton, Concepcion, Corcuera, Calatrava at Odiongan? Kaya hindi nakakapagtakang puro F ang mga apelyido ng mga taga-rito. Sa mga Inunhan na kalat sa pitong bayan mula Sta. Maria, San Andres, Alcantara, Ferrol, Looc, Sta. Fe at San Jose, puro naman G. Sa mga nagsasalita ng Ini o Romblomanon na popular sa Romblon, San Agustin, Magdiwang, Cajidiocan at San Fernando, puro naman M. Sinadya ito umano ng mga Kastila sa layuning makontrol ang mga mamamayan sa pagbubuwis at sa iba pang bagay panahon man ng gulo o kapayapaan.
Isa pang tanong: paano naman maipaliliwanag ang mga apelyidong R? Ibig sabihin ba ay maituturing pang hiwalay at ikaapat na wika ang sinasalita ng mga taga-Sibuyan? Kung pagbabatayan ang www.ethnologue.com, isa lamang dayalekto ng wikang Romblomanon ang Sibuyanhon dahil napakaliit ng kanilang pinagkaiba. Ang teorya ko rito ay malaki ang posibilidad na karamihan sa mga apelyidong nagsisimula sa titik R ay inapo ng mga migranteng galing Aklan at Capiz. Ibig sabihin ay hindi talaga sila orihinal na katutubo sa bayang kanilang kinatitirikan sa kasalukuyan. Sa kabilang banda, hindi rin ito dahilan para mag-isip na silay hindi mga Romblomanon sa isip at puso.
Para sa akin, hindi sapat na batayan sa pagiging tunay na Romblomanon kung nagsisimula sa titik F, M, G at R ang aking apelyido. Bagamat ang aking ama ay taga-Nueva Ecija at nagmula ang angkan sa Pangasinan samantalang taal na Akeanon ang aking lolo sa ina, taas noo kong ipinagmamalaki na akoy isang Romblomanon. Sa kabila ng katotohanang parehong migrante ang aking mga ninuno, mainam isiping ang kanilang apo ay itinakda ng Maykapal na maisilang at lumaki sa lalawigang ito.
1 Ang manunulat ay instruktor ng kasaysayan sa UP Diliman. Para sa komento at suhestiyon, malayang mag-email sa kris_esquejo@yahoo.com
| Blog Comments | ||||||||||||
|
6/17/2009 8:13:36 AM
| ||||||||||||
|
7/11/2009 6:34:55 AM
| ||||||||||||
|
8/7/2009 2:34:06 AM
| ||||||||||||
|
8/7/2009 9:12:51 AM
| ||||||||||||
|