| Archives |
MGA KABIGATAN NG PAGIGING PULITIKO
ni Kristoffer R. Esquejo[1]
Madalas lumabas sa mga sarbey na ang ating bansa ay isa sa mga nangunguna sa buong mundo kapag pinag-uusapan ang katiwalian at korapsyon sa gobyerno. Bagamat may kasalanan din ang taumbayan dahil repleksyon ng bayan ang pamahalaan, karaniwang mga nakaupong pulitiko ang binabansagang maninira ng imahe ng pamahalaan. Bagamat hindi ko sila nilalahat lalot minsang municipal president ang lolo ko sa Looc, laganap pa rin ang katagang trapo, ibig sabihiy traditional politicians dahil umiiral pa rin umano ang tatlong G tuwing eleksyon guns, goons at gold.
Ayon sa artikulong Bahala na! ni Pastor Ed Lapiz, kanyang iginigiit na ang katagang pamahalaan ay katumbas ng salitang pamathalaan, nanggaling sa salitang-ugat na Bathala na tumutukoy naman sa katutubong tawag ng mga Tagalog sa kanilang Manlilikha. Samakatwid, lumilitaw na maka-Diyos na pamumuno ang pamahalaan at hindi katulad ng katagang government sa Ingles na ang kahulugan lamang ay sekular na pamumuno na katulad ng nasa Europa.
Ang tanong ay ganito: matatawag ba nating pamahalaan ang kasalukuyang namumuno sa atin mula pambansa hanggang lokal na antas o sila lahat ay mga gobyerno? Tayo lamang ang makasasagot nito kung tayo ay mapagmatyag sa ating kapaligiran at lipunan.
Dahil halalan muli sa susunod na taon, mainam na balikan ang kasaysayan at tiyak na mapaghuhugutan ito ng aral. Isang minsang Assemblyman ng Romblon ang umaming napakahirap palang maging isang pulitiko. Matatandaang napaka-kontrobersiyal ng halalang 1935 nang maglaban si Don Leonardo Festin, ang walang katalu-talong tinatawag na Dean of the Lower House ng Partido Nacionalista, at si Gabriel Fabella, taga-Banton at katatapos lamang magtapos ng abugasya. Uso noon sa mga lalawigang tulad ng Romblon ang paniniwala na dapat abugado ang mambabatas dahil ang pangunahin niyang trabaho ang magpanukala ng mga batas.
Sa kanyang talambuhay na The Man from Romblon, inamin ni Gabriel F. Fabella na marami siyang naranasang kabigatan sa loob lamang ng tatlong taong panunungkulan (1935-1938). Dahil sa paglilingkod sa mga karaniwang tao at kababayan, narito ang pitong bagay: Una, kinulang ang kanyang oras sa pamilya dahil sa mabigat na trabaho sa Kongreso; ikalawa, maraming walang trabaho ang humihingi sa kanya ng rekomendasyon para makapamasukan; ikatlo, nawalan sila ng pribadong buhay bilang pamilya dahil sa dami ng taong pumupunta sa kanilang bahay sa Lungsod Quezon; ikaapat, maraming pinag-aaral siyang mga Romblomanon ang kailangang tumira sa kanilang bahay; ikalima, maraming kababayang may sakit ang kailangang bigyan ng salaping pambili ng gamot at pagkatapos ay hihirit pa ng pamasahe pauwi; ikaanim, ang walang katapusang paghingi ng tulong ng mga namatayan; ikapito, ang pagsusumamo ng mga pamilyang may nakulong na mahal sa buhay; at panghuli, ang kapagurang dulot ng pagdalo sa walang katapusang mga pagtitipon tulad ng kapistahan. Tiyak na hindi sasapat sa maraming gastusin ang P5,000 sahod noon ng isang karaniwan at matapat na mambabatas.
Pagkatapos makamit ang layuning palitan si Festin at makapaglingkod ng tatlong taon, napagisip-isip ni Fabella na hindi pala basta-basta ang buhay sa daigdig ng pulitika. Mabuti na lamang hindi siya nagpalamon sa tawag ng kapangyarihan at sa halip ay bumalik sa kanyang unang pag-ibig, ang pagtuturo. Lalong nagtumibay ang kanyang paniniwalang maraming paraan ng paglilingkod sa mga kababayan at isa lamang ang pulitika na likas na marumi. Kung susuriin natin ang mga pag-amin na ito ng isang dating pulitiko, tila ganito pa rin at masakit sabihing mukhang lumala pa ang pulitika ng Pilipinas, maging ng Romblon, kung ihahambing ang ngayon sa noon. Nawa maging aral ito sa mga totoong naghahangad makapaglingkod sa lalawigan at para na rin sa mga nagnanais tumikim lamang ng panandaliang kapangyarihang pulitikal sa hinaharap.
[1] Ang manunulat ay instruktor ng kasaysayan sa UP Diliman. Para sa komento at suhestiyon, malayang mag-email sa kris_esquejo@yahoo.com.
| Blog Comments | ||||||||||||
|
7/1/2009 1:34:55 PM
| ||||||||||||
|
7/12/2009 10:58:18 PM
| ||||||||||||
|
7/13/2009 8:56:34 PM
| ||||||||||||
|
1/5/2010 12:46:54 PM
| ||||||||||||
|
3/14/2010 3:21:31 PM
| ||||||||||||
|