| Archives |
SINO SI EL PADRE CAPITAN?
ni Kristoffer R. Esquejo[1]
Madalas ituring na kontrabida sa ating kasaysayang kolonyal ang mga prayle dahil sa ginawa nilang pang-aabuso noon sa kapangyarihan. Hindi matapus-tapos ang mga kwento na sila ay maraming naanakang babae kung kaya may lumitaw pang biro tulad ng kwento nina Rosario at Edad. Sa kaso ng Romblon, napailalim tayo sa mga Agustino Rekoletos, isang ordeng relihiyoso na unang dumating sa bansa noong 1606 at unang nakatapak sa Romblon noong 1635. Kung ihahambing sa ibang lalawigan, wala tayong asyenda o naitalang pag-aalsa laban sa mga Kastila. Ibig sabihin ba nito ay hindi naging mapang-abuso ang mga Kastila sa mga Romblomanon? Hindi maitatanggi na tila naging maganda ang turingan ng mga Kastila at mga Romblomanon noong unang siglo ng kanilang pananakop. Ito ang panahon kung kailan nauso ang mga pag-atake ng mga Moro at Olandes galing timog dahil naging ka-alyado at tagapangalaga natin sila laban sa mga mananalakay.
Kilala bilang guerras piraticas, ang Digmaang Moro ay ilang dantaong nang nagaganap kahit wala pa ang mga Kastila sa Pilipinas. Katunayan, iginigiit ngayon ng mga iskolar na Muslim na hindi mga pirata ang mga Moro kundi mga mandirigmang lumalaban para sa kanilang kalayaan at gumaganti lamang dahil inaatake sila ng mga Kastila mula Maynila. Lalo itong tumindi nang magsanib ang mga mandirigmang Bisaya at mga Kastila laban sa mga Moro dahil sa ritwal ng sanduguan. Para sa mga Moro, nagpapaalipin lamang ang mga Bisaya sa mga dayuhan ngunit para sa mga Bisaya, hindi ito pagpapagamit kundi maaaring tingnang sila nga ang gumagamit sa mga Kastila laban sa kanila. Bilang ganti sa mga Bisaya, kanilang nilulusob ang mga pamayanang itinatag ng mga Kastila sa Luzon at Visayas, at isa na nga rito ang mga pulo ng Romblon. Sa panahong ito, hindi lamang mga pinunong militar na Kastila ang lumaban sa mga Moro. Nariyan ang mga misyonerong gumawa ng mga kuta at toreng bantayan, at nagtanggol sa mga mamamayan laban sa mga umaatakeng Moro galing timog. Katangi-tangi sa kanila si Padre Agustin de San Pedro (1599-1660), kilala bilang el padre capitan.
Ayon sa The Augustinian Recollects in the Philippines ni Emmanuel Romanillos, si de San Pedro ay ipinanganak sa Portugal at nakapagtapos ng kursong pilosopiya at teolohiya sa Unibersidad ng Salamanca, Espanya. Bagamat pumasok sa kumbento ng mga Agustino Rekoletos sa Valladolid, hindi nawala ang kanyang interes sa matematika at sining militar. Taong 1622 nang sumama siya papuntang Pilipinas at pagsapit ng Mehiko ay naging ganap na pari. Pagdating sa Mindanao, siya ay tumulong sa pagbibinyag ng mga katutubong nakatira malapit sa ilog ng Butuan. Sa sumunod na dalawang dekada, nagpabalik-balik siya sa mga teritoryo ng Cagayan de Oro at Butuan. Minsan din siyang namuno sa pakikipaglaban sa puwersa ni Sultan Kudarat, binabanggit na Corralat sa mga dokumento. Ang mga karanasan niyang ito sa pakikipaglaban ang nagbigay sa kanya ng titulong el padre capitan.
Taong 1644 nang mabihag ng mga Moro ang kura paroko ng Romblon. Dahil dito, nagdesisyon ang pinakapuno ng mga Rekoletos na ipadala ang nooy bantog nang pari sa Romblon. Sa pagitan ng 1640 at1650, marami siyang ipinatayong imprastraktura para magsilbing bantay ng mga katutubo mula sa mga paglusob. Nariyan ang isang simbahan at dalawang kuta sa Romblon - ang Fort San Andres at Fort Santiago, at isang kuta sa Banton ang Fort San Nicolas de San Tolentino.
Nang dumalaw ako sa Romblon, Romblon nitong Mayo lamang, tanging Fort San Andres na lamang ang napepreserba sa kanyang burol at aktibong ginagamit na istasyon ng panahon ng PAG-ASA. Samantala, ang Fort Santiago ay halos hindi na makita ang mga pundasyon sa kabilang burol. Ang dalawang ito ay parehong nakaharap sa napakagandang daungan ng kabisera. Bagaman tila napabayaan na at unti-unting nabubura sa kasalukuyan, ang mga ito ay maituturing nating piping saksi sa naging pagtutulungan ng mga Kastila at Romblomanon para maipagtanggol ang ating lalawigan mula sa mga kaaway. Kahit papaano, hindi kalabisang ituring na naging bayani sa atin ang isang Kastilang prayleng gaya ni el padre capitan.
[1] Ang manunulat ay instruktor ng kasaysayan sa UP Diliman. Para sa komento at suhestiyon, malayang mag-email sa kris_esquejo@yahoo.com
| Blog Comments | ||||||||||||
|
7/17/2009 2:01:58 PM
| ||||||||||||
|
7/18/2009 4:41:51 AM
| ||||||||||||
|
7/18/2009 4:48:03 AM
| ||||||||||||
|
7/18/2009 3:37:55 PM
| ||||||||||||
|