Archives
Literary

MAGKANO ANG IYONG  "OO"?

 ni Nolie M.

 

        Dumadagundong ang tunog ng mga tambol at umaalingawngaw naman ang hiyawan ng mga tao habang naglalakad ang mga ito papunta sa dako ng gagawing himpilan ng mga magmimina sa kanilang lugar. Nagprotesta ang mga ito sa pagpasok ng banyagang "mining companies" sa kanilang lugar.

 

        Sa sulok ng mga kumpol-kumpol ng tao sa kakahuyan, nakaupo si Lito at nagmamatyag. Sa totoo lang ayaw niya sa pagmiminang magaganap sa kanilang lugar. Tiyak na mawawala ang kanyang paliguan: ang Cantingas. Ngunit ayaw niya ring mamalagi sa kahirapan. Naitanong niya tuloy sa kanyang sarili, "Mina nga ba ang solusyon sa naghihikahos nilang buhay sa pulo.?"

 

            "Hoy! Lito! Tinatawag na kayo," isang tinig mula sa kanyang kaibigang si Welfred ang gumambala sa kanya.

 

            "Maghanda ka na para sa presentasyon," dagdag pa nito. Masaya ang protesta sa kanila, may mga palabas. Sayaw, awit, tula, dula-dulaan at iba pang palabas na nakapaglilibang sa mga naroroon. Isang dula-dulaan ang kanilang inihandog. Tungkol 'yon sa pangingialam ng mga engkanto raw na namumugod sa kanilang pulo. Ayaw rin ng mga ito sa pagmimina kaya pinaparusahan nila ang mga minero pati ang mga tagapamahala nito.

 

             "Lumaki na tayo at tumanda  sa kahirapan, nabuhay tayo sa pulong ito nang mapayapa. 'Wag tayong pumayag na silang mga dayuhan lamang na nagdadamit- Pilipino ang sisira sa ating kinalakhang kapaligiran. Marami na tayong nasaksihang pangyayari na  ang dahilan ay ang pagmimina. 'Wag na tayong sumubok pa na  tumuntong sa ganoong sitwasyon". Litanya iyon mula sa kanyang tatay na si Mang Lino.  Isa ang kanyang tatay sa lider ng mga grupong ayaw sa mina.

 

               Muli na namang naglaro ang sandamakmak na tanong sa kanyang isipan.

 

               Kahirapan nga ba ang dahilan ng pagpunta nila dito? Ganon din ba ang dahilan ng mga dayuhang kompanya? Pati ang lokal na pamahalaan, ganon din ba ang mga taal na nakikipagtulungan sa kanila? Kahirapan………. Kahirapan…….kahirapan ito ang dahilan ng lahat. Patayan, kaguluhan, kabutihan at nang pagbabago. Lahat yan nagaganap dahil sa kahirapan. Alam rin niya na kabilang sa mga kulelat  na probinsya ang kanyang kinalakhang probinsya pagdating sa laki ng kita at isa naman sa sampung nangunguna sa listahan ng mga naghihirap sa probinsya. Sa madaling salita….mahirap din. Isa rin ang kanilang  probinsya sa mga lugar na binibigyan ng importansya ng pamahalaan dahil sa naghihikahos nitong kalagayan. Ito rin bang pagmimina ay isa sa mga hakbang ng pamahalaan sa pag-unlad? O hakbang sa pagwasak?

                                     

 

                  Oo nga naman, kung papayagan nila ang pagmimina sa kanilang lugar, parang pumayag din sila na gatasan ng mga dayuhan para ibenta sa kanila ng mahal ang gatas na galing sa kanila. Nangangako ito ng trabaho at malaking sahod ngunit….hindi angkop ang kakayanan ng kanyang kababayang mangingisda para dalhin ang mga buldozer at iba pang de-makinang kagamitan na gamit sa pagmimina. Lalaki daw ang kita ng probinsya dahil sa buwis na babayaran ng mga kompanya. Okey sana..kaso, maraming multo sa mga opisina na namamalagi at naghihintay lang nang mga mabibiktima. At marahil isa na nga sila.

 

                   Hindi siya bobo para hindi maintindihan ang lahat. Isa siya sa nangungunang mag-aaral sa kanilang kolehiyo. Kaya nga medyo bukas ang kanyang isipan sa ibang opinyon. Ngunit, kaya niya itong isara kung alam niya na walang kwenta ang mga papasok.

 

                   Gabi na nang siya'y makauwi ng bahay. Patuloy pa rin ang pag-uunahan ng mga katagang bakit…ano…at papano.. sa kanyang isipan. Palibhasa maliwanag ang buwan, nagpasya siyang magpalalim ng gabi sa bahay ng kanyang kaibigang si Welfred.

 

                  "Himala..sino kaya ang dumating kina Welfred? Bakit may nakaparadang isang magarang sasakyan?" bulong niya sa sarili. Ang alam niya..yung tagapamahala ng minahan ang meron nun sa kanilang lugar.

 

            Dahan-dahan siyang kumatok.

 

            "Tuloy ka Lito," imbita sa kaagad ni Aling Lourdes kay Lito.

 

            "Kain na…masarap ang ulam. Siyanga pala, may bisita kami galing sa minahan," anito habang inaakay siya papunta sa kusina.

 

            "Pumunta lang si Welfred sa tindahan para bumili ng inumin," dagdag pa nito.

 

            "Dala nila 'yan," bulong pa nito.

 

            Sinubukan niyang kumain, ngunit hindi niya malunok ang pagkain. Iba ang lasa nito. Palibhasa 'first time' niyang makatikim ng ganoong pagkain.

 

            "Oy! Pare, andito ka pala…inom tayo ha," wika ng kaibigan sabay talikod nito sa kanya para dalhin ang mga inumin sa sala.

 

            Alam niya na isa ring mahirap na pamilya ang pamilya ni Welfredo. Ngunit kilala sa kanilang lugar dahil nirerespeto ng maga kababaryo. Kalimitan ang mga ulam nio ay pinatuyong isda o di kaya'y tuyo at kamatis. Pero ngayon… hanep sa sobrang sarap. Palibhasa 'first time' 'di niya malunok. Isa pa,kung dati'y tuba ang iniiom ng kanyang tatay, ngayon…Emperador Brandy. Hindi ba't may pagka-sosyal na.

 

            "Pare, tagay," sabay abot sa kanya ng kalahating baso ng inumin. Kakulay iyon ng dala niya kanina.

 

            "Andaming handa ah. Sino bang nagdiriwang ng kaarawan ngayon? Bakit maraming pagkain at inumin?" tanong ni Lito.

 

            "Pare, walang okasyon. Basta 'Oo!' lang ang sagot mo mayaman ka na. Presyong Manila pare. Trenta mil lang naman ang salitang 'Oo', busog ka pa," mahabang pangungumbinsi sa kanya ni Welfredo.

 

            "Ibig sabihin isa na kayo sa mga pamilyang sumusuporta sa minahan?" tanong niya.

 

            "Oo! Bakit? Kung buong taon ka bang magmamartsa sa kalsada at sumigaw na ayaw mo sa mina kikita ka ba ng trenta mil? Hindi, 'di ba? Magagasgas lang ang tsinelas mo, mamomroblema ka pa ng pambili. Eh etong 'Oo' makapagnenegosyo ka pa," may pagmamalaking sagot ng kaibigan.

 

            Parang surot na sumusundot sa kanyang isipan ang mga binitiwang kataga ni Welfredo.

 

            "Uuwi na ako," pamamaalam niya sa kaibigan.

 

            "Teka lang. Kumbinsihin mo rin ang erpat mo tiyak yayaman kayo," pahabol na panghihikayat ni Welfredo sa kanya. Di na niya iyon pinakinggan.

 

            Sabado na naman. Araw ng protesta. Bawat sabado talaga ang protesta nila. Buong araw iyon. Kagaya ng dati…loud speaker, placards, iba pang  bandera, tambol at iba pang pampaingay ang dala ng grupo. Medyo kokonti nga lang. Wala na doon ang pamilya ni Welfredo. Napansin niya na may mga nakabarekadang kahoy na sa kanilang pagporotestahan, mga dalawampung metro ang layo sa nagawa nang quarters ng mga minero. Naroon na naman sa gitna si Mang Maryo, nagtatalumpati na naman.

 

            Mayamaya, isang nakabibinging putok ng baril ang pumailanlang. Bumulagta si Mang Maryo sa entabladong yari sa pinagdikit na sasakyan. May mga nagsitakbuhan, nagsigawan, nag-iyakan at ang iba nama'y nagsisakay sa kani-kanilang mga sasakyan paalis dahil sa takot.

 

           "Walang aalis!!" Isang makapangyarihang tinig ang nagpahinto sa ginagawa ng lahat. Tinig ni Mang Maryo. Kahit hirap  na ay pilit pa ring sumigaw saka nalagutan ng hininga. Doon na nakabawi ang mga tao. Dinala si Mang Maryo sa paggamutan sa pag-aakalang maisasalba pa ang buhay nito…ngunit huli na ang lahat.

 

             Ang mga naiwan sa lguar ay ipinagpatuloy pa rin ang protesta. Kahit na natatakot. Nag-anunsyo si Mang Lino na magkakaroon ng isang pagpupulong kinabukasan.

 

              Sinabi niya ang lahat sa kanyang tatay. Ang ginawang pagbenta ng pamilya nina Aling Lourdes. Nagngingitngit ito sa galit. Kinaumagahan, maaga palang ay marami ng tao sa kanilang bakuran. Tiyak tuloy ang pagpupulong. Nang maipon na ang sa tantiya niya'y limampung katao, nagsimula na ang pulong. Nagsalita na naman ang kanyang tatay.

 

             "Mga kasama, alam nating lahat na mahirap lang tayo, ngunit hindi natin kayang ipagbili at ipaabuso ang lupaing hindi sa atin. Pag-aari ito ng ating mga anak, apo at kaapu-apuhan. Kung ibebenta natin 'to ngayon, wala na silang titirhan bukas. Mas magandang magsakripisyo muna tayo ngayon, para mabigyan sila ng isang magandang kinabukasan. May mga dati tayong kasama na nagbenta ng dignidad at buhay. Sana 'wag tayong tumulad sa kanila."

 

             Makalipas ang isang saglit, tumayo ang totoong lider ng grupo, si Mang Arming. Nagwika ito, " Kailangan lang ay pagkakaisa…mayayaman ngunit kokonti ang kalaban. Marami tayo…kung magkakaroon tayo ng isang adhikain na mapaalis ang mga dayuhang 'yan, kayang-kaya natin. Kaya ba nating magsugal ng buhay at kinabukasan para sa ating kapakanan!?"tanong nito.

 

              "Oo!!!" Nakakatulig ang sigawan ng lahat na naroroon.

 

             Noon at doon din mismo, nagplano ang grupo ng mga hakbang para mapaalis ang mga banyagang kumpanya sa kanilang lugar. Nanagangailangan iyon ng ng sapat na pondo, tao, kakayahan at tibay ng loob. Maraming magsasakripisyo para maisaayos ang maling desisyon na ginawa ng iilan. Kasama siya sa paggawa niyon.

 

             Naghain sila ng petisyon sa mga kinauukulan. Isang demokratikong paraan ng pag-aalsa.

 

             Makalipas ang ilang linggo, nakansela ang operasyon ng mga minahan. Ipinagbawal iyon ng lokal na pamahalaan, pati na ang DENR. Kailangan daw ang masusing pag-aaral sa lugar. Iniutos din ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) ng kanilang probinsya na magsumite ang kompanya ng mga karagdagang  dokumento para tuluyang maisagawa ang operasyon. Lahat iyon ay nagawa dahil sa pagtutulungan at pagdadamayan ng lahat ng kaanib. Walang iwanan sa ere. Isang bagay na lang ang gumagambala sa kanila.

 

             Kaya ba nilang labanan ang panunukso ng pera para sa sagot  na oo? Isang nakakatakot na tanong, dahil hindi nila hawak ang isipan ng lahat ng kasamahan.