Archives
News

COASTGUARD NABARIL NG PULIS

ROMBLON SUN

(News)

 

Odiongan - Isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nabaril ng pulis noong Setyembre 29, 2009 bandang 10:20 ng gabi habang nasa loob ng compound ng Baywalk Entertainment Bar ng bayang ito.

   Ang biktima ng pamamaril ay nakilalang si SN2 Joel Magora Mendez, tubong Looc, Romblon, kasalukuyang naka-assigned sa PCG Headquarters, South Harbor, Manila, samantalang ang suspek sa pamamaril ay kinilalang si PO1 Eugenio Nepthali Solomon, kasalukuyang nakadestino sa Romblon Police Provincial Mobile Group (RPPMG).

   Ayon sa Spot Report ng Odiongan MPS na nakalap ng pahayagng ito, nagkaroon umano ng barilan sa pagitan ng biktima at ng suspek na nagresulta sa pagkatama sa likod ng una na tumagos sa may kaliwang likurang bahagi ng tiyan nito. Agad namang dinala ng kapatid ang biktima sa Romblon Provincial Hospital sa bayang ito upang bigyan ng pangunahing lunas sa tinamong tama ng bala.

   Ayon pa rin sa naturang Spor Report, na-recover sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang (2) live ammunition at apat (4) na empty shells ng kalibre .45 na pistola. Nakuha rin umano ng miyembro ng Odiongan MPS sa posisyon ni Mendez ang isang kalibre .45 na pistolang Norinco na may serial number 453698 at dalawang live ammo.

   Dagdag pa sa Spot Report na personal umanong pumunta sa himpilan ng pulisya si PO1 Solomon at ang kasama nitong si PO1 Aries Loto at isinurender ang isang baril na Taurus kalibre .45 na pistola na may serial number NBV 56975 kasama ang apat (4) na live ammo na pag-aari ni PO1 Solomon.

   Ayon naman sa kapatid ng biktimang si SN2 Mendez na si Norbel Mendez, isang guro sa Limon Sur Elementary School, Looc nang kunan ng kanyang pahayag, sinabi nito na noong araw na maganap ang insidente bandang alas otso ng gabi, pumunta umano sila ng kanyang kapatid na si Joel sa Baywalk Videoke upang magpalipas ng oras dahil bagong dating umano ang huli galing Maynila. Habang nandoon ay masaya umano silang nag-inuman.

   Ayon pa rin kay Norbel, bandang 10:30 ng gabi, habang masayang sumasayaw ang kanyang kapatid na si Joel, bigla umano itong nilapitan ng isang lalaki at sinabihan na sumama muna sandali sa labas ng dancing hall. Maayos naman umanong sumama ang kanyang kapatid ngunit pagdating umano nila sa may bandang labas, bigla na lamang umanong hinampas ng baril ng lalaki sa mukha ang kanyang kapatid. Sa puntong iyon ay lumapit umano si Norbel sa kanila at sinabing: "Sir, titser ako, bakit mo sinaktan ang kapatid ko? Ngunit bigla umano siyang tinutukan ng baril ng lalaki na noong huli ay nakilala niyang si PO1 Eugenio Solomon at sinabi umano nito na: "Wala akong pakialam kung  titser ka. Baka gusto mo ipatanggal pa kita sa pwesto mo?!"

   Pagkasabi umano ng mga katagang iyon ay biglang hinabol ni PO1 Solomon ang kanyang kapatid na noon ay patakbong palabas ng compound ng Baywalk, ngunit pinaputukan umano ito ng baril ng suspek, dahilan upang tamaan ito sa likurang bahagi ng kanyang katawan.

   Nang kunan naman ng kanyang pahayag ang biktimang si SN2 Mendez, sinabi nito na habang sumasayaw umano siya sa dancing hall ng Baywalk, nilapitan umano siya ng isang nagpakilalang pulis sa katauhan ni PO1 Eugenio Solomon at sinabi sa kanya na bakit daw siya (Mendez) may dalang baril. Sinagot naman umano nito si Solomon na siya ay miyembro ng Coast Guard at pareho silang nagta-trabaho sa gobyerno. Dahil doon ay inakay umano siya palabas ng dancing hall at pagdating umano nila sa bandang labas ay bigla na lamang umano siyang hinampas ng baril ni Solomon at siya ay tinamaan sa kanang mukha na nagresulta sa kanyang pagkahilo.

   Dahil sa nangyari ay bigla umanong nagdilim ang kanyang paningin at upang makaiwas sa mas malaking pinsala ay tumakbo umano siya palayo kay Solomon. Ngunit hindi pa umano siya nakakalayo ay bigla niyang narinig ang isang putok at siya ay tinamaan sa kaliwang bahagi ng kanyang likod at tumagos sa kaliwang bahagi ng kanyang tiyan. Dahil sa tinamong tama ay bigla umano siyang bumagsak at nawalan ng malay.

   Nang kunan naman ng pahayag ang kahero ng Baywalk Videoke ukol sa naturang pamamaril, sinabi nito na bandang alas otso ng gabi umanong dumating ang biktima kasama ang kanyang kapatid at umorder ng inumin. Bandang 10:30 ng gabi, habang nagsasayaw umano ang biktima sa dancing hall ay nakikitang lumalabas ang baril nito na nakasukbit sa kanyang bewang kung kaya nilapitan umano ito ng pulis at sinita. Nakita rin umano nito na inakay palabas ng pulis na si Solomon ang biktima at pagdating nila sa may bandang labas ay bigla na lamang umanong nagkagulo at nakarinig sila ng putok ng baril, dahilan upang magtakbuhan ang maraming customer nila.

   Tinangka namang kunan ng panig ng pahayagng ito ang pulis na si PO1 Solomon ngunit tumanggi ito na magbigay ng kanyang pahayag.

   Habang sinusulat ang balitang ito, naghahanda naman ng kaukulang kaso ang biktimang si SN2 Mendez laban kay PO1 Solomon, gayundin ang kapatid nito na si Ginoong Norbel Mendez, dahil sa pangyayari at ginawang panunutok ng baril ni PO1 Solomon sa kanya.

   Ang may hawak ng kaso ay si SPO1 Rodolfo F. Manilay, Jr at SPO1 Manuel F. Fernandez, Jr.