Archives
News







Driver ng Parker na Jeep, sinapak ni dating DE Perez at bodyguard nitong Pulis
  newspaper


San Agustin – Sinapak at pinagtulungang gulpihin nina dating District Engineer Rolindo "DE" Perez, kasama ng kanyang driver at bodyguard na pulis, ang driver ng Parker na jeep noong Nobyembre 19, 2009 bandang alas 7:45 ng umaga, nang magkagitgitan ang mga ito sa kalsada.

Ang driver ng naturang jeep na may rutang San Agustin – Calatrava - Odiongan ay nakilalang si Jessie Mariño, 37 anyos,  asawa ng barangay kapitana ng barangay Bonga, Sta. Maria, Romblon.

Naganap ang naturang pangyayari sa lugar mismo ng makitid na kurbadang bahagi ng barangay Hinugusan, San Agustin kung saan, nagkagitgitan ang minamanehong jeep ni Mariño na noon ay sakay ang maraming pasahero patungong San Agustin - Odiongan, samantalang galing naman ng Doña Juana patungong Tugdan Airport ang service pick up ni dating DE Perez.


 
Ayon kay Mark Andrew Diaz, 13 taong gulang, isa sa mga pasahero ng jeep na nakasaksi sa pangyayari, siya umano ay nakaupo sa likurang bahagi ng driver ng jeep ng bigla umanong nagkasalubong ang dalawang sasakyan sa nasabing makitid na kurbada at sa pagkagulat ng driver na si Jessie, bigla umano nitong kinabig ang manibela ng jeep pakanan na nagresulta sa pagkasadsad ng gulong nito sa may bahaging gutter ng makitid na kalsada ngunit nahagip parin ng hulihang bahagi ng jeep ang kaliwang rear signal light ng pick up na sinasakyan ni Perez. Bunsod nito, bigla umano sinigawan ni Perez ang driver na si Mariño at pagkatapos ay bumaba ito sa sinasakyang service pick up at nilapitan si Mariño.

Ayon pa rin kay Mark Andrew, nang makalapit na umano si Perez ay hinila nito ang kwelyo ng damit ng driver na si Mariño na nagresulta sa pagkawasak ng damit nito. Ayon pa rin kay Mark Andrew, hindi pa umano nasiyahan si Perez sa ginawa, bigla umano nitong sinapak sa kaliwang pisngi ang driver na si Jessie.

Pagkatapos umanong sapakin ang driver, bumaba sa sinasakyang pick up ang bodyguard na  pulis ni Perez na  nakilala nila noong huli sa pangalang Cocoy Dahan at bigla rin umanong sinuntok nito sa kaliwang pisngi ang driver na si Mariño. Pagkatapos umanong suntukin ni Cocoy Dahan, sumugod rin at sinuntok ang driver na si Jessie ng hindi nakilalang driver ni Perez na noon ay kasunod umano ni Dahan sa pagsugod sa kawawang biktima.

 Nang kunan ng kanyang pahayag ang driver na si Jessie ng Romblon Sun, sinabi nito na hindi na umano niya  nagawang umilag sa mga sapak at suntok ni Perez at ng mga bodyguard nito dahil naipit siya ng pasahero sa may harapan at nasa bahaging pababa ang kanilang kinalalagyan kung kaya hindi umano nito mabitawan ang pag-apak sa preno ng jeep dahil sa pangambang dumausdos ito at mapahamak ang mga pasahero.

Ayon pa rin kay Jessie, pagkatapos umano siyang saktan, sinigawan pa umano siya ni Perez at sinabihan na hinding-hindi na siya makaka-biyahe pa. Inutusan din umano ni Perez si Cocoy Dahan na kunin ang kanyang lisensya. Sinabi rin ni Jessie na dahil sa sobrang takot at pagkabigla sa pangyayari, ibinigay na lamang umano niya ang kanyang lisensya kay Dahan sa takot na baka manganib pa ang kanyang buhay. 

Pagkatapos umanong kunin ang kanyang lisensya, dumiritso na lamang si Jessie sa himpilan ng pulisya ng San Agustin upang ipa-blotter ang pangyayari. Pagdating umano nila sa himpilan ng pulisya, at sa hindi malamang kadahilanan, inimpound umano ang kanyang minamanehong jeep ng naka-duty na pulis noong araw na iyon, sa utos umano ni Perez.   

Nang kunan naman ng kanyang pahayag tungkol sa nangyaring aksidente, sinabi ni Kapitana Marlin Mariño, asawa ng driver na si Jessie, na sobra naman umano ang ginawa ni Perez sa kanyang asawa. Sinaktan agad umano ni Perez ang kanyang asawa gayung maliit lamang na bagay ang nangyari. 

"Aksidente ang nangyaring pagkasagi ng kanyang sasakyan at hindi pa nga alam kung sino ang may kasalanan sa kanila. Nanakit na agad siya! Akala mo kasi sila ang hari ng kalsada kung magpatakbo eh. Kung nagagawa ni Perez  na manapak ng asawa ng isang Punong Barangay, mas lalo na siguro sa mga ordinaryong tao lamang," hinagpis ni Kapitana Mariño.

Habang sinusulat ang balitang ito, naka-impound pa rin ang Parker na jeep sa himpilan ng San Agustin MPS. Inihahanda naman ng mag-asawang Marlin at Jessie Mariño ang reklamo laban kina dating DE Perez at sa bodyguard nitong pulis kasama ang driver nito upang mabigyang hustisya ang sinapit ng biktimang si Jessie sa kamay ng tatlo.

Matatandaan na bago nagretiro bilang District Engineer ng DPWH - Romblon si Perez noong Setyembre 02, 2009, ay sinampahan ito ng kasong paglabag sa provision ng RA 3019, kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa tanggapan ng Ombudsman noong Agosto 28, 2009.

Siya ay kinasuhan rin ng mga apprehending officers ng Romblon MPS dahil sa umano'y pagkakasangkot nito sa pagkatakas ng hinuling kapitan at makinista ng lantsang Saint John D' Apostle na pag-aari ng Reyna Mercedes Fishing ni Noli Yu ng Lucena City habang nasa aktong nagingisda sa karagatang sakop ng Romblon. Si Perez din ang isa sa itinuturong nagbibigay proteksyon sa mga ilegalistang mangingisda mula Masbate at Lucena City na siyang umuubos ng yamang-dagat ng Romblon.